Umabot sa 44 na mag-aaral ng Mataas na Paaralang Ramon Magsaysay ang iskolar ng Alumni Tree Project (ATP) sa panuruang taong 2022-2023. Kabilang dito ang 10 na mag-aaral sa Grade 7, 10 na estudyante sa grade 8, 15 Ramonians sa Grade 9 at 9 na mag-aaral sa Grade 10.
Kasabay sa pagtaas ng bilang ng mga bagong iskolar ay ang pagtaas din ng halaga ng kanilang buwanang allowance. Tumaas ito mula sa P750 hanggang P1,000.
Ayon kay Gng. Maria Tan, assistant treasurer ng ATP, dinagdagan ang halaga na natatanggap ng mga iskolar upang makasabay ang mga estudyante sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin. “Matagal na rin na tumatanggap sila ng P750 kaya oras na rin siguro para taasan,” wika pa niya.
“Malaki ang naitulong nito sa akin lalo nang tumaas ang presyo ng mga kailangan ko sa paaralan, additional baon at emergency pocket money na rin ito,” pahayag ni Wina Panugan, isang Silahisian at ATP Scholar.
Patuloy pa rin ang pagbibigay ng allowance ng ATP sa 19 na dating mag-aaral ng RMHS na kasalukuyang nasa Grade 11 at 12. Bukod pa rito, may 37 mga mag-aaral na nasa kolehiyo na may natatanggap pa ring allowance.
“Ang ATP allowance ay ipinagkakaloob hanggang makatapos sa kolehiyo ang ating mga iskolar,” wika ni Bb. Adoracion Villa, chairman ng ATP Scholarship Committee.
“Ang mga dating iskolar ng ATP na may trabaho na ay nagbabahagi ng kanilang kakayahan na karagdagan sa pondo ng ATP Scholars,” dagdag pa ni Bb. Villa.
“Kahit sa panahon ng pandemya, tuloy-tuloy ang pagbibigay namin ng assistance sa ating mga iskolar,” pahayag ni Gng. Tan.
Samantala, nagsagawa ang ATP ng golf tournament na may layuning makalipon ng pondo para sa kanilang mga proyekto.
Ginanap ang naturang aktibidad sa Greenfield, Laguna, Peb. 27, 2023.
Binubuo ang ATP nina G. Jaime Ysmael, chairman; Lt. Gen. Oscar Rabena (ret.), presidente; Dr. Cesar Agtarap, bise presidente; Gng. Maria Teresa Habitan, kalihim; Gng. Nenita Lorbis, ingat-yaman; Atty. Paulino Elauteria, legal adviser at G. Gene Pangilinan, ex-office member.
Nanunungkulan naman bilang mga direktor ng ATP sina Engr. Tony Espino, Gng. Chie Laruza, Gen. Roberto Rosales (ret.), G. Mariano So Jr. at Gng. Shirley Tan.


Leave a comment